Ang paborito kong tula


Ano ang paboritong tula nino? Silipin ang paboritong tula ng ilang personalidad.

Mong Palatino (KR Guda)

Mong Palatino, lider kabataan, Kinatawan ng Kabataan Party-list

Si Romulo Sandoval, at ang kanyang tulang Pagkat Tayo’y Nagmamahal.

“Napopoot tayo pagkat tayo’y nagmamahal;
nagmamahal kaya’t braso’y humahataw”

1999, una ko itong nabasa. Bagong aktibista ako noon. Sumasalamin ito sa gawain at mithiin ng isang indibidwal na bahagi ng isang kilusang mapagpalaya. Nagpapaliwanag ito sa uri ng pagmamahal na inaalay/tinatanggap ng mga progresibo para sa kapwa. Akma ang mga salitang ginamit upang ipinta ang dinamiko ng pagbabago, pag-ibig, pakikibaka sa lipunan.

Pagkat Tayo’y Nagmamahal

Napopoot tayo pagkat nagmamahal:
pagkat tayo’y saksi sa pangangalawang—
tulad ng turnilyo—ng obrerong bukal
ng ating hininga; sa pangangalirang.

lalo kung gapasan, niyang nagpapala
sa mga pinitak; sa pag-uumuga
ng buto-at-balat: ang kalakhang dukha
na ikinadena sa asin at luha.

Kaya’t sumusubo ang hurno ng utak,
ang apoy sa puso’y lipyang tumatalas—
paniwala’t pasyang pinapaling lakas
na sa nang-aapi’y ukol ipang-aklas.

Napopoot tayo pagkat tayo’y nagmamahal;
nagmamahal kaya’t braso’y humahataw.